Akala ko kaya ko na, akala ko tanggap ko na, hindi pa pala.
Pero hindi na rin katulad ng dati, to be fair sa hindi maintindihan kong pakiramdam. Mas objective na ako tumingin, hindi katulad ng dati na lahat ng nakikitang parang "sobra" ng ibang tao, lagi kong nabibigyan ng justification kung bakit tama pa rin.
Tulad ng naunang pahayag sa mga nakaraang naisulat, hindi ko naman sinasabing dapat makuha ko yung gusto ko, dahil sa totoo lang, sa mga natutuklasan ko, tahasan kong masasabi na ayoko rin pumasok sa ganon kahit gaano ko kagusto yung isang bagay. Di tulad ni Juan, hindi ko inaasam na mapunta sa akin yong bayabas, pero sa kabilang banda, masakit pa rin pala pag kukunin sya ng iba. Parang kung tatanungin ang pinakamaramot na bahagi ng pagkatao ko, gusto ko sana nandyan lang yung bayabas, walang gumagalaw. Pero hindi pwedeng ganon eh. Nakikita ko naman kung bakit hindi pwede, at ang mga dahilang ito ay mas gusto ko na kaysa maiiwan akong nanghuhula ng kung ano na ang nangyayari, nang-aamot ng atensyon, naiiwang nag-iisa. Sa ngayon, alam ko halos lahat, kaya okay na yon.
Madalas ako magsalita ng patapos na kinakain ko rin pag nagtagal. Isa na ito sa halimbawa. Pero wala naman akong ginagawang damage sa kahit sino; kung may casualty, ako lang naman.
Kaya habang lumalapit ang mga araw, may nagbabanta ng sakit, nag-uumpisang mangilid ang mga luha, nagtatanong bakit meron pa rin, kahit anong tindi ng dasal mong sana magising ka, wala na. Inumpisahan kasi ng pag-aalala, tapos nagsanga-sanga na, hanggang sa dumampi uli yung sakit na dapat mapapalitan na ng pagiging masaya para sa mga taong dapat sumaya. Minsan, dahil tao ka lang, nag-iisip ka rin na sana magkagulo, hindi sila magkaintindihan, pero naiisip mo rin, pagkatapos noon, mananalo ka ba? Sasaya ka ba pag nangyari yon? Hindi.
Sa lagay na ito, tanga siguro ako para maghangad pa ng isang bagay na ako mismo, nakita at malaya ng nasasabi na hindi pwedeng mangyari. Yung mga tira-tirang damdamin kasi ang hindi pa tuluyang nauubos. Kung nagawa kong tanggalin na sa sistema yung malaking bahagi ng pagmamahal, bakit ba kailangang magpaapekto doon sa sulsol ng maduming pag-iisip, di ba?
Sa ngayon, nalulungkot ako, at pag hindi ito nagbago, mas malungkot ako sa Pasko at habang naglilipat ang taon, maging hanggang sa susunod na buwan. Marami kasing pwedeng mangyari, na dapat wala na akong pakialam pero di ko pa rin mapigilan mag-isip at masaktan. Tao lang eh.
Pero habang nakikita mo na ang tiwala ay hindi nagbabago, hindi nawawala, bakit hahayaan ko yung masira di ba?
Sabi nga, yun daw hindi papatay sa iyo ang lalong magpapalakas sa iyo. Ito na ba ang sukatan kung gaano na ako kalakas ngayon? Sana talaga nag-iisip ako ng tama ngayon.
~
Ang lalim ano? Kailangan na bang humanap ni Cristy Fermin ng bagong trabaho? Hahaha!!!