Sunday, May 29

gastos

oo, magastos ako.

eh nagtatrabaho naman ako eh.

yan ang pinaka-convenient excuse ko sa tuwing dinadalirot ako ng konsensya ko dahil bumili na naman ako ng kung anu-ano. may panahon na impulsive buyer ako pero may panahon na nagkukuripot din o di kaya naghuhunus-dili at napapaisip bago mag-plunge sa isang gastos na baka di ko kayang pangatawanan.

sa maliit kong sweldo, na halos kalahati ay pinapatago ko sa mommy ko (na unti-unti ring kinukuha...), kung hindi libro, dvd (oo, pirated) o pagkain lang ang MADALAS na pinupuntahan ng pera ko. lately, damit at accessories. nagdadalaga na daw ako eh. bwahahahaha. ay hindi, nakalimutan kong pati pala sa cellphone load, malakas akong mag-aksaya ng pera (sa totoo lang, marami ang nagsasabing magpa-linya na lang daw ako sa mobile phone dahil gumagastos ako ng 1,500 sa prepaid load kada buwan, kung gagawin ko daw yung plan/post-paid, baka mas magandang deal pa. ewan ko ba.ayoko kasi magpalit ng number. apat na taon ko ng gamit yung number na yun).

naisip ko, pede nating i-breakdown sa ilang kategorya yung paggastos ko.

a. mga di dapat na hindi bilhin/gastusan. ito ay mga bagay na kailangan. necessity baga, at hindi luxury. pambili ng pananghalian (maliban na lang kung nagbabaon, pero madalas ay hindi), prepaid cellphone at internet cards, at pamasahe. nung nagtutuos ako sa isip kong parang abacus-style, kung ito lang ang gagastusan ko sa loob ng sampung araw na pagitan ng kada sweldo ko, mahigit sa kalahati ng allowance ko (meaning minus the amount na binigay kay inay) ang matitipid ko. pero ano ko, masokista? bakit hindi ako bibili ng iba?

b. mga "pabuwenas" sa sarili. ito yung libro at/o magasin (dapat kada sweldo, meron kahit isa), pirated dvds (or pina-copy na vcds), damit at accessories sa katawan (na pedeng galing sa mall o sa ukay-ukay), at pagkain sa mahal na restawran. ngayon, itong huli ang minsan nahihirapan akong ilagay kung dito ba dapat sa letter b o sa letter a. kasi pagkain eh. sa totoo lang, ang bagay na naubos ko sa pagbili ng pagkain ay di ko kailanman pinanghinayangan. well, yung pagkahilig sa pagkakape para may matambayan sa pagbabasa, mukhang mas clear ang leaning noon sa letter a. pero mabalik ako, sa libro o damit, minsan napapaisip pa ako eh. anyway, pag medyo malaki ang sweldo (halimbawa may OT, may dividend share sa credit union o kaka-bonus lang), i make it a point na ikain ang sarili ko sa hindi naman fast food chain. dati, nung sinisipag ako, pag nang-iindian yung mga kaibigan ko sa makati, iniisa-isa ko yung mga restaurant sa greenbelt 2. oo, ako lang mag-isa.maranasan ko lang anong meron dun, ano lasa ng pagkain, para naman hindi ka bangenge di ba? lately, dahil late na rin lagi lumabas ng opisina, kahit nakaksawa na ang pagkain, sa friday's ako kumakain. parang treat na rin sa sarili mo, dahil hindi ko yun araw-araw pedeng gawin ha. minsan sa mario's (kilala na nga ako nung waiters doon dahil tuwing papasok ako, dun ako agad dinadala sa madalas kong pwestuhan). ang ginagawa ko? nagbabasa o nag-uupdate ng planner. mga dalawang oras ako dun ng paganun-ganun lang. syempre pag hindi carry ng budget, diretso uwi ako 'no. kunyari manonood ng meteor garden. hahahaha...

c. mga bugsong gastos. bihira lang ako magkaganito at pilit ko ngang ginagamot kahit minsan lang ako asintahin ng ganitong sakit. pinakaperpektong halimbawa ang aking spanish lessons sa instituto cervantes. bigla ko lang naisip isang umaga, "ah, mag-aaral ako ng wikang espanyol!" ayun, go ang gaga, tipong nagsign-up ako sabay bayad tapos unang klase na kinabukasan. ayun, awa ng Diyos, apat na meetings na lang kasama ang final exam eh inonse ko na ang natitirang klase. napakahusay. ilang maliliit na manipestasyon pa nito ay yung pagbili ng mga gamit na kaya ko binili ay dahil lang bumili yung isang kakilala ko, at feeling ko ay babagay din sa akin/magagamit ko rin.

d. mga bugsong gastos na buti't napagpipigilan pa rin. pagbili ng bagong computer, ng bagong camera, o di kaya, ang pinakamakatotohanan, ay ang pag-e-enroll sa isang fitness gym. nag-trial workout ako dati (sa sw) at halos kagatin ko yung pinakamurang weight-loss program nila. eh merong bagong magbubukas na mas malapit (yung ff), bah, mas maganda ang amenities, with matching siniraan pa yung sw, so hmmm...isip, isip...ayun, sige, magsa-sign up ako...sabay imagine na ng dulo ng araw mo pagkatapos mong alipinin ang katawan gamit ang mga gym equipments. AYUN, WALA RIN. buti kamo at napagpigilan dahil siguro para sa iba mura (yung mga pa-waive-waive ng joining fee, hohum...) o okay na, pero minsan naisip ko, sayang tlaga ang pera. nagsisimula daw ang pagbabago sa sariling disiplina. kaya ayun.

e. mga gastusing walang kwenta pero masaya ka. naku, hindi na ako mahihiyang aminin na ang halimbawa ko dito eh yung mga school supplies. mahilig ako bumili ng mga balpen, lapis, stationeries, at mga notebook na kikay o kakaiba ang design. isipin nyo, wala naman kasing ganoon nung panahong nasa hayskul ako. walang spongebob squarepants noon, walang winx, walang mga kikay designs (hmmm...mukhang dito magkakapareho kami ni antonia). pede pa din ditong idagdag ang stickers, bookmarks, ID holders at makukulay na plastic envelopes.

sa kabuuan, ang pagiging magastos ko ay hindi pa naman grabe na halos magkanda-utang-utang na. sa totoo lang, wala nga akong credit card eh. ang prinsipyo ko kasi, kung walang pera, wag bumili. mataas ang pride ko, ayoko ng may utang na parang hina-haunt ka tuwing swelduhan. iba siguro yung sa credit union namin kasi pera ko din naman yung nasa capital investment ko, kumbaga, ang pautang lang doon eh yung ipinandoble sa actual amount ng perang naipasok ko. kung nagbabyad man ako buwan-buwan, parang hindi ko na rin nararamdaman kasi pagdating ng payslip eh naikaltas na, kasama na ang kontribusyon na kinakalimutan kong inipon ko doon para may totoong savings naman ako.

hindi pa naman nga grabe, kaya siguro ibgi sabihin, go lang ng go.