Thursday, July 1

ANG BABAE SA ROXAS BOULEVARD

Umaga. Male-late na ang babae. Paano ba naman, pagkaingat ingat na binaybay ang Arquiza St. at service road ng Roxas Boulevard para umiwas sa posibleng lumilipad-lipad na yero / debris / construction worker na natutulog sa top floor ng ginagawang building / aso o pusang natutulog katabi ng construction worker / basura / kable ng kuryente. Patawid na sana sa Roxas Boulevard nang pahintuin dahil sa isang coaster sakay ang "Family of the Vice-President elect". Umismid. Gustong magtaas ng banner na may nakasulat na "Embassy Employee-- Needs To Get There By 7:30 am".

Tanghalian. Matapos takamin ng mainit sa tinola sa office cafeteria (na sukdulan sa overpricing), ginawa na lang daw pang-tanghalian ang going-away treat sa halip na alas-tres. Nagduda. Baka pauwiin sila ng maaga dahil sa lakas ng hangin at pabugso-bugsong ulan. Hmmmm.....

Ala-una. Tama nga, isang Mission-wide memo ang pinadala na nagsasabing puwede na raw mag admin leave ng 3 pm. Astig naman, isang oras at kalahati na lang bago mag-COB (close of business), nagpauwi pa kayo!! Ngunit nakonsensiya. Sa halip na magpasalamat, bakit pa ba nagrereklamo?? Ang karma tuloy, hindi nakauwi ng eksaktong alas tres dahil sa ilang talents ng ABS-CBN na nagpapaimportante.

Eto na. Paglabas ng office, ilang metro ang layo sa aktuwal na seawall, medyo threatened na ang babae sa maingay na hagupit ng alon. Paglabas ng main gate, binuksan na ang malaking Embassy payong. Dahil sa laki ng payong, akala ng lahat ng Pinkerton guards at ilang miyembro ng Manila's Finest, magtatayo ng squid ball stand with matching gulaman samalamig ang babae. Pero hindi pala. Tatawid pala sya.

Rule number bahala na kung pang-ilan: Mas protektado ka sa ulan pag malaki ang payong mo pero mas mahirap itong dalhin kapag malakas ang hangin. Proven.

Dahil sa malakas na hangin sa service road ng Roxas Boulevard, hindi na nag-attempt pang humakbang on her own ang babae. Sa totoo lang, literal syang tinutulak ng hangin papunta sa Padre Faura. Before she knew it, aba, nasa Del Pilar Street na pala sya. Ilang metro din yun. Base sa agham, mas malakas ang puwersa ng kalikasan sa kahit sinong nilalang. Signal number 1 pa lang yan. Pero hindi ganon kadali ang struggle ng babae. Dangan kasi, habang tinutulak sya ng hangin papunta sa Del Pilar St., hindi nya maitiklop ang malaking payong dahil malalaki din ang patak ng ulan. At dahil nga sa lakas ng hangin, pakiramdam ng babae para syang si Hulk sa panggigigil para hindi liparin ang mabigat at malaking payong. As in yung panggigigil na halos lumabas at pumutok ang mga ugat, tendons at ligaments (huh?). Kaya matapos ang pakikipagbuno sa hangin, mistulang medium na iniwan ng espiritu ng nagwawalang kapre ang pakiramdam ng babae. Ito ang paliwanag kung bakit pag-uwi niya sa bahay, sumasakit ang lahat ng kanyang kasu-kasuan. Nangako ang babaeng sa susunod na pagkakataon, mag-aabang na lang sya ng cab sa taxi bay kasama ng Manila's Finest.

Talaga naman. Sa susunod, magtitiyaga na lang akong maghihintay ng taxi 'no. Sakit pa ng braso ko hanggang ngayon.

Susunod... Ang nakalipas na adventures ng babae sa mala-na-time warp na Biyernes ng gabi with the caritela and the cuchero slash swimming instructor.

Plus...ang mga hirit ng kasamahan ng babae sa trabaho.

Abangan sa mga susunod na siglo, basta kung kelan sisipagin ulit na mag-blog ang babae.